Friday, March 28, 2008

Pacheco, Ama ng finger painting sa Pilipinas


Rafael Pacheco


Si Mang Paeng Pacheco ay kinikilalang ama ng finger painting sa Pilipinas. Hindi siya gumagamit ng brush sa pagpipinta, kundi kamay lamang. Ang finger painting ay kinikilalang natatanging istilo sa pagpipinta sa buong mundo.

Una kong nakita ang mga obra ni Mang Paeng sa mga gallery sa mall. Makikilala ang kanyang mga paintings dahil kadalasang sabjek niya ang mga isda na koi sa fishpond. Maganda ang mga painting, pero hindi ako masyadong bumilib dahil para sa akin masyadong decorative, yung tipong maganda lang isabit sa iyong sala.

Pero nagkaroon ako ng oportunidad na makilala si Mang Paeng noong Marso 27, 2008. Umatend ako ng Inter-agency summit on Kalahi Caregiving sa Clamshell 2 sa Intramuros. World Theater Day nung araw na iyon, at nandoon kami ng grupo kong Hiraya Theater Company dahil isa kami sa mga tumanghal sa Dulaang Raha Sulayman sa Intramuros. May planning sesyon kami kasami ni Gg. Cecile Guidote Alvarez, isang haligi ng sining at kulturang Pilipino, nang dumating si Mang Paeng. Nakabarong tagalog pa siya, pusturang-pustura, akala ko'y isa sa mga pulitikong inimbitahan o pinadala ng pangulo para magdala ng pangako sa mga artistang naroroon.

Iyon pala si Rafael Pacheco, na pinakilala sa amin bilang Mang Paeng. Kilala si Mang Paeng sa buong mundo bilang finger painting artist mula sa Pilipinas, at ilang beses na rin siyang nagtanghal sa kung saang bansa. Hindi nakatapos si Mang Paeng ng hayskul, pero marami siyang karanasan bilang pintor na maibabahagi sa mga kabataan. Nagbibigay siya ng mga worksyap sa mga preso. Sa katunayan ay nakaeksibit ang trabaho ng mga preso doon mismo sa venyu ng summit. Magaganda ang gawa nila, at karamihan ay hawig din sa mga fishpond ng koi na gawa ni Mang Paeng. Marahil ay dahil sa iyon ang modelong sinusundan ng mga artistang preso.

Dahil inter-agency summit iyon, at may mga kinatawan ng DEPEd at TESDA, iminungkahi ni Cecile Guidote Alvarez, na dapat ay may programa din ang gobyerno upang makilala ang kakayahan ng mga artistang Pilipino. Kung si Manny Pacquiao nga binigyan diploma ng hayskul ng DepEd, dapat ay pwede din doon ang mga artistang katulad ni Mang Paeng. Kung sa bagay ay higit pa ang kanyang natutunan at nalalaman dahil sa pagiging artista at sa paglalakbay sa buong mundo. Kahit saan man siya mapunta ay dala niya ang karangalan ng Filipino.

Nagtayo si Mang Paeng ng sarili niyang Arts Center, na nagbibigay ng palihan sa finger painting. Ang sabi niya, ito ang kanyang sariling kontribusyon para sa pagtaguyod ng sining at pagtulong sa mga kabataang Filipino.

2 comments:

Miss Universe said...

Di ba model yung anak niya o apo na niya?

OneNewManHomeschooler said...

Paano po namin makakausap si Mang Paeng? Grupo po kami ng mga homeschooler moms sa South, baka pwede po namin maimbitahan si Mang Paeng para makilala ng aming mga estudyante. Malapit na rin kasi ang Linggo ng Wika, sa tingin ko maganda itong pagkakataon sa mga bata na makakilala ang ama ng finger painting sa Pilipinas. Salamat