Monday, September 1, 2008

Ramayana, ang epiko ng Asya

Noong nagtuturo ako ng Literature 102 (Panitikan ng Mundo), isa sa mga pinakamalaking pagbabago na ginawa ko sa silabus ay ang palitan ang epikong Iliad at Odyssey ng epikong Ramayana. Mula pa noong hayskul pa lamang ako hanggang sa kolehiyo, ang mga epikong Iliad at Odyssey lamang ang tinuturo bilang mga epiko ng mundo. Ito'y isang tagong pagpapahalaga sa literatura ng kanluran at pagpatpatibay ng paniniwalang ang sibilisasyong kanluranin lamang ang dapat nating pag-aralan.

Isang eksena sa Ramakien, makikita sa mga pader na nakapalibot sa Temple of the Emerald Buddha sa Bangkok

Kaya pinasok ko ang Ramayana sa silabus dahil ito ang epikong dapat pag-aralan ng bawat Filipino at Asyano. Nanggaling ang Ramayana sa India, pero nagkalat sa buong Asya dala ng pagkalat ng Hinduismo. Kilala ang epikong ito sa maraming bansa sa Asya. Ito ang "Ramakien" sa Thailand, na naging malalim na awang na nagbubuhay ng kanilang sining biswal, arkitektura, musika, sayaw, papet at teatro. Ito rin ang "Reamaker" ng Cambodia, ang "Phra Lak Phra Lam" ng Laos, at ang "Hikayat Seri Rama" ng Malaysia. Maaring may bersiyon din nito sa Indonesia. Sa Pilipinas may epikong "Maharadia Lawana" mula sa "Darangen" ng mga Maranao, na sinasabi ng batikang direktor panteatro na si Frank Rivera na siyang Filipinong Ramayana.

Nakita ko ang mga mural ng Reamaker sa Grand Palace sa Phnom Penh, at ang mga bas relief sa mga pader ng Angkor Wat sa Cambodia. Noong ako ay nasa Thailand, napanood ko sa tradisyonal na papet sa Teatrong Joe Louis ang isang bahagi ng kwento nito. Ang teatrong khon na buhay na buhay pa sa Thailand ang gumagamit rin ng kwento ng Ramayana. May mural din nito na nakapalibot sa Palasyo ng Emerald Buddha sa Bangkok.

Ang dambuhalang si Thosaganth, ang kontrabida sa Ramakien. Sa Ramayana, siya si Ravana, ang hari ni Sri Lanka na umagaw kay Sita.

Ang Ramayana ay tungkol sa mga pakikipagsapalaran ni Rama para patunayan ang kanyang pagmamahal kay Sita. Sa katapusan ng epiko ay pinili ni Sita na bumalik sa lupa para patunayan na siya ay malinis kahit pa matagal siyang naging bihag ni Ravana. Popular din ang mga tauhang sina Lakshmi bilang kapatid ni Rama na tumutulong sa kanya, at si Hanuman, ang hari ng mga unggoy. Pinapakita ng epikong Ramayana tema ng dharma, na nagsasaad na may mga bagay na dapat gawin para mapanatili ang kabutihan at katahimikan ng mundo.

Ang mga eksena sa Ramayana ay makikita din sa mga templo sa Angkor, Cambodia.
Ito ay kuha sa Bayon, bahagi ng Angkor Archeological Park sa Siem Reap, Cambodia.

Tuesday, August 5, 2008

Panindahan

Filoteo Veñegas, "Panindahan" 1978, oil on canvas

Tubong Sibalom, Antique si Filoteo Veñegas. Makikita sa kanyang istilo ng pagpipinta ang impluwensiya ni Fernando Amorsolo. Karamihan sa kangyang mga gawa ay nagpapakita ng simpleng pamumuhay sa bukid, at dalisay na pagsusuyuan ng mga dalata at binata. Ang iba pa niyang gawa ay makikita sa Museo Antiqueño sa San Jose, Antique. Kung hindi sana siya namatay kaagad ay marami pa tayong makikitang ganitong klaseng larawan mula sa kanyang mga brutsa.

Monday, March 31, 2008

Isa pang Luna

PARISIAN LIFE, JUAN LUNA

Naging kontrobersiyal itong Parisian Life ni Juan Luna. Walang nakakaalam nito hanggang binili ng GSIS sa isang oksiyon sa Hong Kong ng kung ilang milyong piso. Siyempre may mga kumontra sa GSIS dahil ginamit ang kontribusyon ng mga miyembro para bumili ng isang bagay na sa unang tingin ay walang pakinabang. Ang sagot naman ng GSIS ay nag-iinvest sila para sa yamang kultural ng ating bansa. Aba mabuti naman yan dahil may pagkalinga din pala itong ahensiya ng ating gobyerno para sa kultura natin. Kaya lang....

Ang sabi ng ibang kritiko ay hindi naman ito kabilang sa mga pinakamagagaling na obra ni Juan Luna, bakit napakamahal? Maliit lang ang larawang ito at pangkaraniwan. Kaya napilitan ang GSIS na magkaroon ng malawakang eksibisyon ng naturan larawan para ipahayag ang halaga ng painting (at ng kanila ring desisyon na bilhin ito).

Nagpadala sila ng mga lektyurer para magpaliwanag. Nakadalo ako noon ng isa sa mga pulong sa SM City sa Iloilo. Ang sabi ay mahalaga itong obra ni Juan Luna dahil ito daw ay isang alusyon (o ilusyon kaya?) sa Pilipinas. Kung tingnan daw iyong babaeng nakaupo ay parang binaligtad na mapa ng Pilipinas. Ang kamay na nakatukod sa sopa ay isla ng Palawan. Ang sabi pa, ang tatlong taong naghuhuntahan ay sina Rizal, Lopez Jaena, at - nakalimutan ko iyong isa - basta sila ang simbolo ng mga propagandistang Filipino na nasa Europa. Sumakatuwid, may pagkasubersibo ang obra ni Luna dahil kahit sa kanyang mga larawan ay patuloy niyang sinusulong ang mga layuning pagpapalaya ng mga propagandistang Filipino sa Europa.

Kung sa bagay, may mga kritiko din nagsasabi na kahit ang "Spoliarium" ay isa ring alusyon sa Pilipinas. Kahit Romano ang sabjek nito, ang tema daw ay nagpapahayag ng pagkabulok ng ating bansa sa ilalim ng panlulupig ng Espanya.

Mas katanggap-tanggap nga ang aksiyon ng GSIS sa pagbili ng Parisian Life kapag naunawaan na natin ito. Pero may mga tanong pa rin: Bakit GSIS ang bibili, at bakit hindi ang National Museum. Hindi naman trabaho ng GSIS ang mangolekta ng mga dakilang obra ng ating mga pintor. Ang trabaho nila ay pangalagaan ang kontribusyon ng mga miyembro na naghirap para mag-ipon para sa kanilang pagretiro. Ang nangyari kasi may ilang buwan (o taon) ring naghintay ang ibang miyembro para makakuha ng kanilang mga loan o retirement pay pagkatapos ng transaksiyong iyon.


Spoliarium ni Juan Luna


Isa sa pinakamahalagang yaman ng Pambansang Museo, at ng bansang Pilipinas, ang "Spoliarium" ni Juan Luna, isa sa mga pinakadakilang pintor natin.

Grandyoso sa laki at tema ng obrang ito ni Juan Luna, at naghakot ng mga karangalan sa Europa noong panahon, hindi lamang para sa pintor kundi pati na rin para sa bansa.

Makikita ito sa National Art Gallery ng Pambansang Museo. Kapag pumunta ka doon ay mayroong bersiyong digital hango dito, na tinatawag na Malliarium, at gawa ng mga kontemporaryong biswal artist.

Masuwerte kaming pinayagang kumuha ng mga larawan sa bulwagang ito ng National Art Gallery, dahil kasali kami sa Museology seminar at isa sa mga leksiyon ay ang pagdisenyo ng mga eksibit. Ibinabahagi ko dito ang larawan para makita naman ng mga hindi pa nakapunta sa National Art Gallery. Pero siyempre mas magandang makita ang tunay. Nakakamangha ang galing ni Juan Luna.

Friday, March 28, 2008

Alberto Florentino at BS Medina


Nabasa ko ang "The World is an Apple" ni Alberto Florentino noong hayskul pa lamang ako. Itinanghal pa namin ito sa klase namin sa English. Ito yata ang pinakaunang dulang nabasa ko. Kaya alam na alam kong ito ang dula na ginagawa nina Sharon Cuneta sa pelikulang "Cross My Heart" ba o "Friends in Love". Basta, may pelikula ang batang Shawie na ang setting ay sa Baguio at estudyante daw siya ng teatro. Sa UP Baguio siguro. May eksenang nagsasanay sila ng dula, at nakilala kong "The World is an Apple" ang teksto nila.

Sa "The World is an Apple" napilitan ang ama na magnakaw o sumama sa isang sindikato para maipagamot ang nagkakasakit na anak. Nakakahabag ang eksena ng asawang umiiyak dahil wala silang magawa ng kanyang bana para sa anak dahil sa kahirapan.

Ang isa pang sikat dula ni Florentino ay ang "Cadaver," na tungkol naman sa mag-anak na nakatira sa tabi ng sementeryo. Kilala si Alberto Florentino bilang social realist, at isa siya sa mga naunang nagpalakas ng social realism sa literaturang Pinoy.

Nakausap ko si Mr. Florentino noong Inter-agency Summit on Cultural Caregiving sa Intramuros. Sa New York siya nakatira, pero umuwi siya para makibahagi doon. Binigyan siya ng Presidential Merit Award ng Presidenteng GMA. Kasa-kasama niya doon ang manunulat na kilala bilang B.S. Medina (kung hindi ako nakalimot at nagkamali, Buenaventura S. Medina), na pinakilala niya sa akin bilang naging guro niya, at unang nagpamulat sa kanya ng pagmamahal sa literatura. Nagbibigay sila doon ng worksyap sa pagsusulat, kasama si Frank Rivera. Tatlo sa mga kabataan ko sa Hiraya Theater Company ang dumalo sa kanilang worksyap, at may nagawa silang mga monologo na itinanghal nila sa pagtatapos ng World Theater Week 2008.

Masuwerte nga sina Jayro, April Rose, at Lozel, mga aktor ko at naging guro nila sina Florentino at Medina, kahit sa tatlong araw lamang. Sa larawan, si Florentino iyong may balbas, kasama niya si BS Medina.

Pacheco, Ama ng finger painting sa Pilipinas


Rafael Pacheco


Si Mang Paeng Pacheco ay kinikilalang ama ng finger painting sa Pilipinas. Hindi siya gumagamit ng brush sa pagpipinta, kundi kamay lamang. Ang finger painting ay kinikilalang natatanging istilo sa pagpipinta sa buong mundo.

Una kong nakita ang mga obra ni Mang Paeng sa mga gallery sa mall. Makikilala ang kanyang mga paintings dahil kadalasang sabjek niya ang mga isda na koi sa fishpond. Maganda ang mga painting, pero hindi ako masyadong bumilib dahil para sa akin masyadong decorative, yung tipong maganda lang isabit sa iyong sala.

Pero nagkaroon ako ng oportunidad na makilala si Mang Paeng noong Marso 27, 2008. Umatend ako ng Inter-agency summit on Kalahi Caregiving sa Clamshell 2 sa Intramuros. World Theater Day nung araw na iyon, at nandoon kami ng grupo kong Hiraya Theater Company dahil isa kami sa mga tumanghal sa Dulaang Raha Sulayman sa Intramuros. May planning sesyon kami kasami ni Gg. Cecile Guidote Alvarez, isang haligi ng sining at kulturang Pilipino, nang dumating si Mang Paeng. Nakabarong tagalog pa siya, pusturang-pustura, akala ko'y isa sa mga pulitikong inimbitahan o pinadala ng pangulo para magdala ng pangako sa mga artistang naroroon.

Iyon pala si Rafael Pacheco, na pinakilala sa amin bilang Mang Paeng. Kilala si Mang Paeng sa buong mundo bilang finger painting artist mula sa Pilipinas, at ilang beses na rin siyang nagtanghal sa kung saang bansa. Hindi nakatapos si Mang Paeng ng hayskul, pero marami siyang karanasan bilang pintor na maibabahagi sa mga kabataan. Nagbibigay siya ng mga worksyap sa mga preso. Sa katunayan ay nakaeksibit ang trabaho ng mga preso doon mismo sa venyu ng summit. Magaganda ang gawa nila, at karamihan ay hawig din sa mga fishpond ng koi na gawa ni Mang Paeng. Marahil ay dahil sa iyon ang modelong sinusundan ng mga artistang preso.

Dahil inter-agency summit iyon, at may mga kinatawan ng DEPEd at TESDA, iminungkahi ni Cecile Guidote Alvarez, na dapat ay may programa din ang gobyerno upang makilala ang kakayahan ng mga artistang Pilipino. Kung si Manny Pacquiao nga binigyan diploma ng hayskul ng DepEd, dapat ay pwede din doon ang mga artistang katulad ni Mang Paeng. Kung sa bagay ay higit pa ang kanyang natutunan at nalalaman dahil sa pagiging artista at sa paglalakbay sa buong mundo. Kahit saan man siya mapunta ay dala niya ang karangalan ng Filipino.

Nagtayo si Mang Paeng ng sarili niyang Arts Center, na nagbibigay ng palihan sa finger painting. Ang sabi niya, ito ang kanyang sariling kontribusyon para sa pagtaguyod ng sining at pagtulong sa mga kabataang Filipino.

Sunday, March 16, 2008

Charlie Co ng Bacolod

Charlie Co, artist

Una kong nakita ang mga obra ni Charlie Co sa Museo Iloilo. Mataga na iyon. Nasa kolehiyo pa yata ako, o baka sobra lang ang pagkalimot ko. Surreal ang dating ng kanyang mga obra, kadalasang imahen ang mga payaso o mga harlequin, ang mga tao at bagay ay lumilipad, may kakaibang perspective. O baka iyong eksibit lang iyon. Pero nagustohan ko ang mga obra niya dahil hindi karaniwang painting lang. May ibang kahulogan pang maiisip ang nanonood. Isa siya sa mga paborito ko, lalo na nang nakita ko ang kanyang mga obra sa Singapore Art Museum noong biyahe ko ng 2005. Wow, sabi ko, may Pinoy pala sa koleksiyon dito, at taga-Bacolod pa. At least, malapit iyon sa bayan kong Antique.

Nakita ko sa personal si Charlie Co sa Philip Morris Art Regional Awards sa Negros Museum noong Nobyembre 2007. Nagpakilala ako sa kanya, at humingi na makunan siya ng larawan para sa mga estudyante ko sa Humanities. Mabait naman siya at pinagbigyan ako.

Sa isa sa mga biyahe sa Bacolod, dinala kami sa bahay ng isang kolektor, si Tita Inday Pefianco, na tiyahin pala ng mga kaibigan kong magkapatid na sina John at Ceci. Doon ko sa nakita ang iba pang obra ni Charlie Co, at namangha ako dahil iba sa mga unang obra niya. Hindi ko inakalang may serye pala siya ng mga relihiyosong paintings. Naging magandang accent ang mga Charlie Co doon sa silid ng mga koleksyon ng relihiyosong artifacts ni Inday Pefianco. Mabuti at pumayag si Tita Inday na kunan ang mga Charlie Co niya. Marami pa daw siya sa kanyang bodega, pero ito ang mga nakasabit noon:

Chinese Madonna (Inday Pefianco Collection)

Hindi ko alam ang tunay na title ng mga larawang ito. Ginawa ko lang dahil wala naman kaming panahong para isa-isahing itanong sa kolektor. Ang isang ito ay tinawag kong Chinese Madonna dahil may mga elementong mukhang empress ng Tsina ang muka at bakgrawnd ng larawan, pati na rin ang matingkad na pula.

Prusisyon (Inday Pefianco Collection)

Ito naman mukhang mga paso sa prusisyon tuwing Semana Santa. Mahilig ako manood nito sa bayan kong San Jose, Antique.
Pieta (Inday Pefianco Collection)

Immaculate Concepcion (Inday Pefianco Collection)

Ito ang nakasabit sa landing paakyat sa mga silid ng koleksiyon ni Inday Pefianco.

Muli kaming nagkita ni Charlie Co sa Bacolod noong Marso 14, 2008 sa Orange Gallery sa Mandalagan. Pumuta kami doon para manood ng eksibit ni Manny Montelibano na "PoAsa." Noon ko lang nalaman na si Charlie Co pala ang may-ari ng galering ito. Nandoon din siya, kasama ang isa pang sikat na artist ng Bacolod na si Dennis Ascalon. Masaya kaming nagkwentohan hanggang maghating gabi.

Pangalawang bisita ko iyon sa Orange Gallery; una noong Febrero 2007 dinala kami ni Lea, isang artist na nakilala namin sa National Arts Fair.

Kruhay!


Kruhay!

Iyan ang bati namin sa mga bisitang dumadating sa Antique. Ang blog na ito ay ispesyal para sa sining at kultura, lalo na sa para sa mga estudyante at guro ng sining. Mababasa dito ang tungkol sa ibat-ibang uri ng sining, mga artista, at mga gawaing pansining. Sinadya kong gamitin ang Filipino dito para magagamit sa mga araling Filipino, ng mga estudyanteng Filipino. Sana'y balik-balikan ninyo ang blog na ito.

Maraming salamat.

Ang inyong lingkod,

Datu Lubay